Tila ninakaw ang init at galak sa aking diwa
ng mga makinaryang walang awang pumapatay
ng mga kaluluwa.
Mapanlinlang ang kanilang mga pangako
sa mga taong lulong na sa lason
na nagbibigay ng delusyon
na ang mga ito’y gumagawa ng makata,
mang-aawit, at pintor…
Sa isang kumpas ng kanilang
makamandag na mga kamay
habang nilalamon nila ang tubig
na balang araw ay ‘di na muling dadaplis
sa ating mga bibig.
Masahol pa sa mga asong walang kabusugan
ang mga halimaw
na patuloy na gumagawa sa kanila.
Tila may mga kukong dumadagit
sa mga walang makapitan,
hinahablot ang kalayaang mag-isip,
lumikha, at magmasid.
Ipaling natin ang tingin sa umaga.
Humawak ng pluma at gumamit ng pinta.
Pasasaan ma’y mababali at pupurol din
ang mga pangil
at lalasunin nila ang mga sarili
sa pag-inom ng dugong nakaw
sa mga malikhain.
Nakaw Na Dugo
28 June 2026

Published by