Sinubukan kong harapin ang umaga
sa altar na nakalaan para sa’kin.
Puno ng mga alay mula sa kalangitan,
kaing-kaing na mga tinik
na bumabalot sa mhahahalimuyak na bulaklak.
Sinubukan kong hipuin ang isang talulot.
Baka kako’y may paraang mahawakan
nang hindi nasasaktan.
Dumanak ang dugo
at mga halakhak.
Isang biro sa tulad kong
madaling maniwala.
Minsan nang may dumating na kahon
sa aking pinto.
Nababalot ng ginto, makinis, at marangya.
Mga batong ilog,
biyaya ng mga santo.
Isang katuwaan,
walang bahid na malisya.
Dumulog ako sa mga arkanghel.
Bakit tila paborito ako
ng kanilang kapilyuhan?
“Hangal ka,” sabi nila,
“na naghahangad ng lubha
sa lupang walang awa.”
Kaya’t sinubukan kong ‘wag silang gambalain.
Maging ang mga bituin, sa akin
ay walang narinig.
Ang araw sumisikat
sa bawat kong paggising.
Sinag nyang tila may hatid na ligaya.
Ngunit sa liwanag ay malinaw
ang bawat bukas.
Panibagong mga tinik, bato,
at di maabot-abot
na mga talulot.
Sasabayan na lamang ang kanilang tawanan.
Baka sakaling ang pag-asa ay tumahan.
Tinik at Talulot
10 March 2026

Published by